Kinilala si South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo Jr. bilang Outstanding Governor sa Gawad Parangal ng ika-29 na National Convention at General Assembly ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines Inc. (ALSWDOPI) na ginanap noong Abril 28, 2026 sa KCC Mall Convention Center sa Zamboanga City
Iginawad ang parangal bilang pagkilala sa kanyang mahusay na pamumuno sa pagsusulong ng inklusibo, maagap, at makataong pamamahala, lalo na sa pagpapatibay ng mga programang panlipunan sa lalawigan.
Dinaluhan ng mga social welfare and development officers mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nasabing pagtitipon na may temang “LSWDOs Build Together for Empowered Individuals, Families, and Communities Embracing Global Humanitarian Strategies through Ethical Standards of Social Work Practices.”
Mula nang maupo sa pwesto noong 2019, ipinatupad ni Tamayo ang mahahalagang reporma sa serbisyong pampubliko. Kabilang dito ang “Hospital without Cashier” program na nagbibigay ng libreng pagpapa-ospital sa lahat ng pampublikong ospital ng probinsya, at ang “No Student Left Behind” na nagtitiyak ng libreng edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo.
Maliban sa kanyang tungkulin sa lalawigan, humahawak din si Tamayo ng mahahalagang posisyon sa pambansa at rehiyonal na antas. Siya ay kasalukuyang Pangulo ng League of Provinces of the Philippines, Chairman ng Union of Local Authorities of the Philippines, Board Director ng Mindanao Development Authority, Vice Chairperson for Government Sector ng National Anti-Poverty Commission, at Chairperson ng Regional Peace and Order Council-12.
Sa ilalim ng kanyang adbokasiyang “Para sa Tama at Maayos na Serbisyo,” patuloy na isinusulong ni Tamayo ang mga programang nakatuon sa kalusugan, edukasyon, imprastraktura, serbisyong panlipunan, kaunlarang pang-ekonomiya, kapayapaan at kaayusan, transparency, at modernisasyon ng agrikultura.
